Ngayong linggong ito, madalas akong gumising ng napakaaga- mga 5am/6am. Bakit? Dahil, nagjojog ako. Nagjojog ako sa palibot ng barangay namin. Nagjojog ako at umaabot ako sa kung saan-saan. At, pagkatapos kong pagpawisan, uuwi ako at magluluto ng almusal. (Late magising ang mga tao sa bahay eh). Ngunit, tinatakal ko na rin ang lahat ng aking kainin, at itatapat ko sa isang calorie table na hinanap ko sa internet. Pagkatapos kong kumain, maliligo ako, maghahanda para pumasok. Sa pagpasok ko, kakain ako ng kaunting tanghalian, kaunting meryenda. Masaya akong uuwi sa pakiramdam na nakapagbawas ako ng ilang timbang.
Alalaong baga'y... pagsapit ng gabi, sa aking pag-uwi sa bahay, isang kahindik-hindik na eksena ang sasalubong sa akin. Isang eksenang pilit tinatakasan, pilit iniiwasan ng mga "figure conscious" na tulad ko. Ito ang eksenang makikita mo ang iyong ina, dala-dala ang isang umuusok na kawali para isalin ang kanyang nilutong putahe sa lalagyanan ng ulam, at ipinagmamalaking iwinawasiwas ang sandok na tila nanghahalina sa'yong kumain ng kanyang pinaghirapang lutuing pagkain.
"Ma, busog pa po ako," isang katagang hindi mo kaagad-agad masasabi dahil alam mong magdudulot ito ng kalugmukan sa kanyang araw, isang katagang maaaring magligtas sa'yo at maglalayo sa'yo sa tukso ng pagkain.
"Ayaw mo bang tikman ang niluto ko?" isang tanong na alam mong kahit ano pa man ang sagot mo'y wala ka nang magiging lusot kundi ang maupo sa hapagkainan at tikman ang kanyang masarap na niluto.
At dahil napunta ka na sa bitag ng iyong ina, mahalimuyak na pananalita ang kanya pang idadagdag, "Ayaw ko lang kasing magkasakit ka. Ayaw ko lang na humina ang pangangatawan mo."
Ganoon ang pagmamahal ng aking ina. Ayaw niya man akong pumayat (hindi ko rin alam kung bakit), higit na ayaw niya akong mapahamak. Ayaw niya akong magkasakit at mahirapan pa. Parang ganoon din siguro ang ating Panginoon... Kaya Niya tayo iniimbitahan na makisalo sa Kanya, ay upang mapabuti ang ating kalagayan dahil ayaw Niya tayong mapahamak. Ganoon din ang ating Panginoon, na isang pagpapakita ng pagmamahal ay sa pamamagitan ng pagkain-- pagkaing magpapalakas, magpapalusog sa atin. At kung paano pinaghirapan ng aking ina mapasarap ang kanyang niluluto upang maging magalak ang kanyang mga anak, ganoon din pinaghirapan ng Panginoong ang pagliligtas sa atin, ang kanyang pag-aalay ng sariling buhay upang mayroon tayong mapagsasaluhan sa komunyon.
At kung paanong walang hinihinging kapalit ang aking ina sa pagpapakahirap niyang magluto ng masarap na ulam kundi ang makisalo kami kasama niya at magalak sa kanyang inihain, ganoon din ang Panginoong walang sawang nag-aanyaya sa ating makisalo sa kanyang pinaghirapang handaan, tuwing misa, na walang hinihinging kapalit kundi ang makapiling tayo sa handaan at masarapan sa alay Niya para sa atin.
O, kay sarap kumain sa piling ng mga nagmamahal sa atin. :)