Friday, December 23, 2011

December 23, 2011 - 6th day of misa de gallo

Narito ang pahayag ng Makapangyarihang Panginoon, "Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan."
Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makahaharap pag siya'y napakita na? Siya'y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayon, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati. Ngunit bago dumating ang nakahihindik na araw ng Panginoon, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Muling magkakalapit ang loob ng mga ama't mga anak. Kung hindi'y mapipilitan akong pumariyan at wasakin ang inyong bayan.


Itaas n'yo ang paningin
Kaligtasa'y dumarating

1. Ang kalooban mo'y ituro, O Diyos
Ituro mo sana sa aba mong lingkod
Ayon sa matuwid, ako ay turuan
Ituro mo, Poon, ang katotohanan.

2. Mabuti ang POon at makatarungan
Sa mga salari'y guro at patnubay
Sa mababang-loob siya yaong gabay
At nagtuturo ng kanyang kalooban.

3. Tapat ang pag-ibig, siya'ng umaakay
Sa tumatalima sa utos at tipan.
Sa tumatalima, siya'y kaibigan
At tagapagturo ng banal na tipan.

__________
Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki.
Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at kamag-anak na siya'y pinagpala ng Panginoon, at nagalak sila sa kanya.
Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya - gaya ng kanyang ama - ngunit sinabi ng kanyang ina, "Hindi! Juan ang ipangangalan sa kanya." "Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan," wika nila. Kaya't hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: "Juan ang kanyang pangalan." At namangha silang lahat. Pagdaka'y nakapag-salita siya at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapitbahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: "Magiging ano nga kaya ang batang ito?" Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.

Thursday, December 22, 2011

December 21, 2011 - 6th day of Misa de Gallo

Unang Pagbasa
Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig, mga gulod, tinatahak upang ako'y makaniig. Itong aking mangingibig ay katulad niyong usa, mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla. Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya, sumisilip sa bintana para ako ay makita. Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang tinuran: "Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal." Lumipas na ang taglamig sa buong lupain at ang tag-ulan ay natapos na rin. Bulaklak sa kaparangan tingna't namumukadkad na, ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya, sa bukid, ang mga ibo'y humuhuni, kumakanta. Yaong mga bungang igos ay hinog nang para-para, at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na. Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka. Ika'y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan, halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan, at nang akin ding marinig ang tinig mong ginintuan.

_______________
Salmo
Panginoo'y papurihan ng tapat niyang sambayanan

Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan
Tugtugin ang alpa't awit ay saliwan.
Isang bagong awit, awiting malakas
Kasaliw ang tugtog ng alpang marilag.

Ngunit ang mga panukala ng Diyos
ay mamamalagi't walang pagkatapos
Mapalad ang bansang Panginoo'y Diyos mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

Ang ating pag-asa'y nasa Panginoon
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya kami ay natutuwa
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala


______________
Mabuting Balita
Si Maria'y nagmamadaling pumunta sa isang bayan  kaburulan ng Judea. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet at buong galak niyang sinabi, "Bukod kang pinagpala sa babaing lahat at pinagpala naman ang iyong dinadalang anak! Sino ako upang dalawin ang ina ng aking Panginoon?
Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon.

December 22, 2011 - 7th day of Misa de Gallo

Unang Pagbasa
Noong mga araw na iyon, nang maawat na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa templo sa Silo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon, tatlumpu't anim na litrong harina at isang pitsel ng alak.Nang maihandog na ang baka, dinala niya kay Eli ang bata. Sinabi ni Ana, "Kung natatandaan ninyo, ako po yaong babaing tumayo sa tabi ninyo noon at nanalangin sa Panginoon. Idinalangin ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at ito po ang ibigay niya sa akin. Kaya naman po, inihahandog ko siya sa Panginoon upang maglingkod sa kanya habang buhay." Pagkatapos nito, nagpuri sila sa Panginoon.

Salmong Tugunan
Diyos kong tagapagligtas, Pinupuri kitang Wagas

Pinupuri ko kayo, Poon
Dahil sa kaloob ninyo sa akin
Pinagtatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway
Sapagkat iniligtas ninyo ako sa kadustaan

Nagapi ninyo ang mga makapangyarihan
at pinalakas ninyo amagbing mahihina
Kaya, ang dating mayayaman ay nagpapaupa para mabuhay
Masagana ngayon ang dating maralita
Ang dating baog nagsilang ng anak
at ang maraming supling ay sa lungkot nasadlak

Kayo, Poon, ay may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay
Maaari ninyo kaming patayin, maaari ring buhayin
Maaari ninyo kaming payamanin o paghirapin
maaari ring ibaba o itaas

Mapadadakila ninyo kahit ang pinakaaba
mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha
maihahanay ninyo sila sa maharlika
mabibigyan ng karangalan kahit na ang dustang-dusta.

Mabuting Balita
Noong panahong iyon, ipinahayag ni Maria ang awit na ito:
"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na tagapagligtas. Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin! At mula ngayon, ako'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Banal ang kanyang pangalan! Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali't saling lahi.Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig, pinangalat niya ang mga palalo ang isipan. Ibinagsak niya ang mga hari mula sa knailang trono at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at pinalayas niyang ni anuman ang mga mayayaman.Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang, kay Abraham at sa kanyang lahi magpakailanman!" Nanatili si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan, at saka umuwi.

Monday, December 19, 2011

December 20, 2011 - fifth day of Misa de Gallo

Isaias 7:10-14
Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: "Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng Sheol o sa kaitaasan ng langit." Sumagot si Acaz: "Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon." Sinabi ni Isaias: "Pakinggan mo, sambahayan ni David, kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot? Kaya nga't ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito'y tatawaging Emmanuel."

__________________
Salmo 23
Ang Panginoo’y darating,
Siya’y dakilang Hari natin.

1. Ang buong daigdig, lahat ng naroon
May-ari'y ang Diyos, ating Panginoon
Ang mundo'y natayo at yaong sandiga'y
Ilalim ng lupa, tubig kalaliman.

2. Sino ang marapat umahon sa burol
Sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sinong papayagang pumasok sa templo
Sinong tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay
Na hindi sumamba sa diyus-diyusan
Tapat sa Pangako na binibitiwan

3. Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya
Ililigtas siya't pawawalang-sala
Gayon ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.

________________
Lucas 1:26-38
Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya'y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. "Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos," wika niya. "Sumasaiyo ang Panginoon. Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya't sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya'y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David.
Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman at ang kanyang paghahari ay walang hanggan."
"Paanong mangyayari ito, gayong ako'y dalaga?" tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, "Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng kataas-taasan. Kaya't banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya'y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao - sapagkat walang hindi mapangyayari sa Diyos."
SUmagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi." At nilisan siya ng anghel.

December 19, 2011 - 4th day of Misa de Gallo

Hukom 13:2-7, 24-25a

Noong mga araw na iyon, sa bayan ng Zora ay may isang lalaking Manoa ang pangalan, kabilang sa lipi ni Dan. Ang asawa niya ay hindi magkaanak. Minsan, napakita sa babae ang anghel ng Panginoon, at sinabi, "Hanggang ngayo'y wala kang anak. Ngunit hindi magtatagal maglilihi ka at manganganak. Mula ngayon ay huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang bawal na pagkain. Kung maipanganak mo na siya, huwag mong papuputulan ng buhok pagkat mula pa sa kanyang pagsilang ay itatalaga na siya sa Diyos. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo."

Ang babae'y lumapit sa kanyang asawa at kanyang sinabi, "Nagpakita sa akin ang isang propeta ng Diyos, parang anghel. Kinikilabutan ako! Hindi ko tinanong kung tagasaan siya at hindi naman niya sinabi kung sino siya. Huwag daw akong iinom ng alak ni titikim ng anumang bawal na pagkain pagkat ang sanggol na isisilang ko'y itatalaga sa Diyos."

Dumating ang araw at nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang sanggol at pinangalanan nilang Samson. Lumaki ang bata na patuloy na pinagpapala ng Panginoon. Ang Espiritu ng Panginoon ay lumukob kay Samson.


_________
Salmo 70
Lagi kong paupurihan ang iyong kapangyarihan.

1. Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang
sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban.

2. Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa
maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang mag-iingat sa sarili
kundi tanging ikaw lamang

3. Pagkat ikaw, Panginoon ay malakas at dakila
Ang taglay mong katangia'y ihahayag ko sa madla.
Sapul pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan
hanggang ngayo'y sinasambit ang gawa mong hinangaan.

_______
Lucas 1:5-25

Noong si Herodes ang hari ng Judea, may isang saserdote na ang ngala'y Zacarias, sa pangkat ni Abias. At mula rin sa lipi ni Aaron ang kanyang asawang si Elisabet. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, namumuhay nang ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon. Wala silang anak sapagkat baog si Elisabet at sila'y matanda na.

Ang pangkat ni Zacarias ang nanunungkulan noon, at siya'y naglilingkod sa harapan ng Diyos bilang saserdote. Nang sila'y magsapalaran, ayon sa kaugalian ng mga saserdote, siya ang nahirang na maghandog ng kamanyang. Kaya't pumasok siya sa templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng kamanyang, samantalang nagkakatipon sa labas ang mga tao at nananalangin. Walang anu-ano'y nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng dambanang sunugan ng kamanyang. Nagulat si Zacarias at sinidlan ng matinding takot nang makita ang anghel. Ngunit sinabi nito sa kanya, "Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Kayo ni Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipangangalan mo sa kanya. Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya, at marami ang magagalak sa kanyang pagsilang sapagkat siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon.

Hindi siya iinom ng alak o anumang inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina, mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. Marami sa mga anak ng Israel ang panunumbalikin niya sa kanilang Panginoong Diyos. Mauuna siya sa Panginoon, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang pagkasunduin ang mga ama at ang mga anak, at panumbalikin sa daan ng matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon."

Sinabi ni Zacarias sa anghel, "Paano ko po matitiyak na mangyayari ito? Sapagkat ako'y napakatanda na at gayon din ang aking asawa." Sumagot ang anghel, "Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Diyos. Sinugo ako upang ihatid sa iyo ang mabuting balitang sinabi ko na sa iyo. At ngayon, mabibingi ka't hindi makapagsasalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito, sapagkat hindi ka naniwala sa mga sinabi ko na matutupad pagdating ng takdang panahon."

Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtaka sila kung bakit nagtagal siya nang gayon sa loob ng templo. Paglabas niya ay hindi na siya makapagsalita, mga senyas na lamang ang ginagamit niya; kaya natanto nila na nakakita siya ng pangitain. At siya'y nanatiling pipi.

Nang matapos ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet, at hindi ito umalis ng bahay sa loob ng limang buwan. "Ngayo'y nilingap ako ng Panginoon," wika ni Elisabet. "Ginawa niya ito upang alisin ang aking dustaan sa harapan ng mga tao!"

Sunday, December 18, 2011

Pangako, Peksman.

Noong nakaraang linggo, naglinis ako ng kuwarto namin. Nagtanggal ako ng mga kung anong anik-anik, tapon dito, tapon doon, ligpit dito, ligpit doon. Maya-maya, may nakita ako. Tanungin niyo ako kung ano yun. Nakakita ako ng isang kahong puno ng letters o liham galing sa kung sinu-sinong kaibigan noong hayskul. At nakita ko ang isang letter galing sa aking bestfriend. Itago na lang natin siya sa pangalang Jay-R. Sabi dun sa letter niya, "Mahal kong bestfriend- sana, pagkatapos nating grumadweyt, magkaibigan pa rin tayo. Huwag kang magbabago ha? Kapag kinalimutan mo ako, susugurin kita sa bahay ninyo! Song ko for you ay: Pangako ni Regine Velasquez. Pangako, hindi kita iiwan at pangako ko bes, hindi kita pababayaan. I love you. Ingat ka parati."

(Haha, nakakakilig ba?) Pagkatapos kong basahin, bigla akong napaisip. Woah. Nasan na nga pala siya ngayon? Parang ilang taon na kaming hindi nag-uusap ah. Parang hindi naman niya ako sinusugod. (Haha.) Sa isip-isip ko, ang mga tao nga naman. Minsan, mahilig ang mga taong mangako na hindi kayang tuparin. Sinadya man o hindi, minsan ay napapako talaga ang mga pangakong ginawa ng tao- lalo pa't kapag nangako sila habang nasa rurok ng kaligayahan.

Gayunpaman, sa salmo natin ngayon, nakakatuwang isipin na pwede pa pala tayong umasa sa isang pangako. Pangakong kahit kailan, alam nating hindi mapapako. Pangako sa atin na sintatag ng kalangitan. Wow. At kanino nga ba manggagaling ang pangakong ito na kailan ma'y hindi mapapako? Siyempre pa at sa ating Panginoon. Ang pag-ibig Niya para sa atin ay hindi nagmamaliw at ang kanyang pangakong kaligtasan ay tutuparin Niya tuwi-tuwina. Parang sinasabi ni Lord sa atin, Peksman, andito lang talaga Ako. Ta'kot lang natin kung biglang mawala si Lord, di ba? (haha.) Yung pangako Niya kay David, natupad sa pamamagitan ni Kristo nang maisilang Siya sa lahi ni David. Sa mga pagbasa natin ngayon, parang teaser o pauna sa katuparan ng pangako ang Ebanghelyo dahil sinasabi rito na si Maria, pumayag na sa kagustuhan ng Ama nang sabihin sa kanya ni Anghel Gabriel na siya ang magiging ina ng isang sanggol.

Para tayong nanunuod ng pelikula, na alam na mayroon na tayong idea kung anong mangyayari at nakikita na natin kung paano kumikilos ang mga tauhan ayon sa magiging katapusan. Parang sa ating buhay, makikita nating kumikilos ang Diyos ayon sa pangakong ibinigay Niya sa atin. Yung pangakong -- hindi kita iiwan, pangako, di ko pababayaaaaaaan. /Purihin natin ang Panginoon! :D

- Disyembre 19, 2011 / ika-4 na Linggo ng Adbiyento

Salmo 88
Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
1. Pag-ibig Mo, Poon, na di nagmamaliw
Ang sa tuwi-tuwina'y aking aawitin;
Ang katapatan Mo'y laging sasambitin.
Yaong pag-ibig Mo'y walang katapusan,
Sintatag ng langit ang 'yong katapatan.

2. Sabi mo, Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
"Isa sa lahi mo'y laging naghahari
ang kaharian mo ay mamamalagi."

3. Gagawin ko siyang anak na panganay
Mataas na hari nitong daigdigan
Laging maghahari ang isa n'yang angkan
sintatag ng langit yaong kaharian.