Narinig na ba ninyo ang pahayag na, "tangkilikin ninyo ang sariling atin"? Saan natin ito naririnig? Minsan, nababanggit ito sa eskwelahan o sa mga pulitiko o sa mga komersyal sa telebisyon. Tangkilikin natin ang mga gawang Pinoy. Tangkilikin ninyo ang pelikula/musikang Pilipino. Tangkilikin ang sapatos ng Marikina. O di kaya'y nagpapasalamat sila sa pagtangkilik sa kanilang produkto o serbisyong ginawa.
Minsan natanong ko sa sarili-- paano kung niyaya kang tangkilikin mo ang isang bagay na ayaw mo naman tangkilikin? Yung tipong hindi mo gusto? Halimbawa, may isang pulitikong nakipagkamay sa akin. Sabi nya, "Iha, ituloy natin ang pagtangkilik sa mga programa ng ating lokal na pamahalaan. Tangkilikin natin ang mga ito." --Aaah, parang gusto kong sabihin noong mga panahong iyon na palitan at gandahan muna nila ang kanilang programa, at kapag nagkataon, makatitiyak sila ng pagsuporta ko.
Kapag sinabing tinatangkilik ko ang isang bagay, higit yan sa pagsubaybay lang. Higit sa pagsuporta lang. Kapag sinasabing tinatangkilik mo (halimbawa, ang musikang Pilipino), sinusubaybayan mo ito, sinusuportahan mo, ipinagmamalaki mo at sumasama ka sa paglago at pagpapalago nito-- at ginagawa mo ito dahil, gusto mo ito, natutuwa ka at naniniwala ka sa taglay na potensyal at kagalingan nito. Isa kang dakilang "fan" kumbaga.
Ang tugon natin sa salmo ngayon-- "Diyos ko, ang aking dalangi'y ako'y iyong tangkilikin." Naunawaan ba natin ang ating panalangin? --- Hinihiling natin na tayo'y tangkilikin. Na tayo'y suportahan, ipagmalaki, magustuhan. Na ikatuwa tayo. At, sino ang kausap natin? Walang iba kundi ang ating Diyos. Hinihingi natin ito sa ating Diyos sa langit, Amang Makapangyarihan. Diyos. Bigla akong napatigil. Siguro, nung niyaya ako nung barangay captain namin na tangkilikin ko ang programa nila, tinitingnan niya ako bilang isang hamak na estudyante. Isang tao lang sa napakalaking populasyong sinasakupan niya sa aming barangay. Pero, ngayon, ako-- kinakausap ang Diyos para tangkilikin ako. Meron bang pwedeng ikatuwa sa akin ang Diyos? Meron bang bagay sa aking buhay na pwede niyang tangkilikin? magustuhan? ipagmalaki?
Parang mas marami pa akong nagawang mali na mas madaling ikahiya kaysa ipagmalaki. Eh kung tulad ko sa barangay captain namin, ganun din ang isipin sa akin ng Diyos? "Magpakabuti ka muna, bago kita tatangkilikin."
PERO, hindi. Alam kong hindi ganoon ang ating Diyos. Hindi ganoon ang Diyos na sinasamba at pinupuri natin. Hindi Niya tayo tinitingnan sa ating mga nagawang masama (dahil kung ganun, malamang, wala na akong mukhang maihaharap). Nauuna ang kanyang pag-ibig sa atin. Proud Siya sa atin... wala pa man tayong ginagawa. Dahil alam Niyang mayroon tayong kayang gawing magaling at mabuti. Siya kaya ang gumawa sa atin at naniniwala Siya sa atin. Nauuna Niyang nakikita ang kabutihan at pag-ibig sa ating puso. "Iyang anak Ko, nagsisimba iyan tuwing linggo. Madalas akong kausapin, kahit maraming problema... sa Akin siya lumalapit... mahal na mahal niya ang kanyang magulang, ang kanyang mga anak... Siya naman, kahit minsan napapabisyo, masipag yan... malinis ang kanyang ginagawang trabaho... Ito namang anak kong ito, kahit na maraming kaaway, gagawin niya ang lahat maipagtanggol lang ang kanyang mga minamahal na anak... Itong magaling kong anak naman, kahit na minsan kinakabahan habang nagsasalita sa simbahan at nabubulol sa harapan, tuwang-tuwa ako sa kanya dahil sinusubukan niyang harapin ang takot para lamang maipahayag ang salita Ko."
At naniniwala akong hindi lang tayo ipinagmamalaki at tinatangkilik ng ating Diyos... Siya mismo ang nagbibigay sa atin ng landas ng buhay. Itinuturo niya sa atin ang tama at magaling na hantungan. Kahit na minsan, nahihirapan tayong sundin. Nahihirapan tayong gawin ang tama... na kadalasan, nahihiya na tayong lumapit sa Kanya dahil sa sunud-sunod nating pagkakamali... gagawa pa rin Siya ng paraan upang mapalapit sa atin. Gagawa pa rin ang ating Diyos ng paraang maging magaling tayo at karapat-dapat ipagmalaki. Gagawa pa rin ang Diyos ng paraan! Sabi nga rin sa Salmo, "Pagkat di tutulutan ng Diyos na ang mga mahal Niya ay malagak sa balon ng mga patay..."
Hinding-hindi Niya hahayaan iyon, dahil mahal Niya tayo. Hindi Niya hahayaan iyon dahil naniniwala Siya sa ating kakayahan. Number 1 fan kaya natin Siya. Kung ikaw ba, number 1 fan ng isang artista, hahayaan mo bang malaos yang idol mo? Malamang hindi, siyempre gagawa ka rin ng paraan para makatulong. Eh, paano kung ang Diyos ang number 1 fan mo? Paano mo pa kaya maiisip ang kabiguan? Nakakatuwa no? Astiiiig talaga ang Panginoon natin! Kaya't tayo'y magdiwang at magalak dahil ang Diyos ang ating kasama. Kasabay nito ang ating panalanging patuloy pa nating subuking ayusin ang ating sarili. Kasabay nito ang panalanging tulungan tayo ng Panginoon para lalo pa tayong karapat-dapat tangkilikin. Dahil hindi tayo matitinag kapag ang Diyos ang lahat sa ating buhay. :)
Yey! :)
November 18, 2012 (Ika-33 linggo sa karaniwang panahon)
B –D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin!
* Ikaw lamang, Panginoon, ang
lahat sa aking buhay, ako’y iyong
tinutugon sa lahat kong kailangan;
ang biyayang kaloob mo ay kahanga-
hangang tunay. Nababatid ko na ika’y
kasama ko oras-oras, sa piling mo
kailanma’y hindi ako matitinag. B.
* Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang
diwa ko’y nagagalak, ang lagi kong
nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal
mo ay malagak, sa balon ng mga
patay upang doon ay maagnas. B.
* Ituturo mo ang landas na buhay
ang hahantungan, sa piling mo’y
madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng
ligayang walang hanggan.
B.
Saturday, November 17, 2012
Sikretong Malupit
May sikreto akong sasabihin sa inyo. Itong sikretong ito, matagal ko nang tinatago. Pero ngayon, isisiwalat ko na sa inyo. Hindi ko na kasi magawang itago pa ito. Kahit na mahirap umamin, mas mahirap kung itatago ko pa ito. Handa na ba kayo? ...Nais kong malaman ninyo... umm... na... ako ay... isang... ako ay isang... robot. Isa akong robot na ginawa rin ng isang taong katulad ninyo. Napakagaling ng teknolohiyang gumawa sa akin. Hindi mo mahahalata sa akin ang pagiging isang robot. Hinulma ako na itsurang tao. Mayroong computer ang nag-uutos ng aking mga kilos at galaw at mayroong programa ang aking katawan na binibigyan ako ng talino at kakayahang magsalita sa harap niyo ngayon. Mayroon akong mga bahagi ng katawan tulad ng sa inyo, pero lahat iyon artificial. Hindi iyan alam ng aking nanay. Dahil nang isinilang at pinalaki niya ang taong si Junette, hindi niya alam na may isang scientist na masyadong nahumaling sa ganda at sa galing ng batang iyon, ehem, kinopya niya ang bawat detalye, bawat aspeto, bawat katangian ni Junette. Kaya, ito ako ngayon.
Pero! hindi lang iyan ang aking sikreto! Aaminin ko na rin na matagal na akong nagtataka. Sabi ng utak ko, kayong mga tao, masaya. Kayong mga tao, may kakayahan manalangin nang taimtim at mula sa puso, kakayahang magmahal, kakayahang magpuri, kakayahang magalak at magpasalamat sa lahat ng mga nangyayari sa inyong buhay. Ako, kaya ko naman gawin din ang manalangin, magpuri o kahit na ang magpasalamat. Ngunit, hindi ko alam kung bakit ginagawa iyon. Hindi ko alam kung ano ang pagmamahal. Hindi ko alam ang pagiging masaya o malungkot. Hindi ko alam bakit kailangan magpuri. Kung ano lang ang ibinigay sa akin, hanggang doon lang ang kakayahan ko, pero, wala akong nararamdaman. Kung lagyan ako ng programa kung paano magnakaw, gagawin ko. Pero, hindi ko alam kung bakit sinasabi ninyong masama iyon.
Tingnan mo nga ang mga kasama mo ngayon. Hawakan mo at kurutin ang pisngi. Tanungin niyo, "Tao ka ba o robot?" Anong sagot?
Sabi sa salmong tugunan ngayon, "Pinupuri ang Poong Diyos ng ating mga kaluluwa..." Ang mga robot ba may kaluluwa?
Espiritu Mo’y suguin, Poon,
tana’y ‘yong baguhin!
Pinupuri ka, Poong Diyos, nitong
aking kaluluwa, O Panginoong Diyos,
kay dakila mong talaga! Sa daigdig
ikaw, Poon, kay rami ng iyong likha,
sa dami ng nilikha mo’y nalaganapan
ang lupa. B.
* Natatakot mangamatay kung
kitlin mo ang hininga; mauuwi sa
alabok, pagkat doon mula sila.
Taglay mo ang Espiritu upang buhay
ay ibalik, bagumbuhay ay dulot mo
sa nilikha sa daigdig. B.
* Sana ang ‘yong karangala’y
manatili kailanman; sa lahat ng iyong
likha, ang madama’y kagalakan. Ang
awit ng aking puso sana naman ay
kalugdan, habang aking inaawit ang
papuri sa Maykapal.
Subscribe to:
Posts (Atom)