Saturday, November 17, 2012

Number one fan ko

Narinig na ba ninyo ang pahayag na, "tangkilikin ninyo ang sariling atin"? Saan natin ito naririnig? Minsan, nababanggit ito sa eskwelahan o sa mga pulitiko o sa mga komersyal sa telebisyon. Tangkilikin natin ang mga gawang Pinoy. Tangkilikin ninyo ang pelikula/musikang Pilipino. Tangkilikin ang sapatos ng Marikina. O di kaya'y nagpapasalamat sila sa pagtangkilik sa kanilang produkto o serbisyong ginawa.

Minsan natanong ko sa sarili-- paano kung niyaya kang tangkilikin mo ang isang bagay na ayaw mo naman tangkilikin? Yung tipong hindi mo gusto? Halimbawa, may isang pulitikong nakipagkamay sa akin. Sabi nya, "Iha, ituloy natin ang pagtangkilik sa mga programa ng ating lokal na pamahalaan. Tangkilikin natin ang mga ito."  --Aaah, parang gusto kong sabihin noong mga panahong iyon na palitan at gandahan muna nila ang kanilang programa, at kapag nagkataon, makatitiyak sila ng pagsuporta ko.

Kapag sinabing tinatangkilik ko ang isang bagay, higit yan sa pagsubaybay lang. Higit sa pagsuporta lang. Kapag sinasabing tinatangkilik mo (halimbawa, ang musikang Pilipino), sinusubaybayan mo ito, sinusuportahan mo, ipinagmamalaki mo at sumasama ka sa paglago at pagpapalago nito-- at ginagawa mo ito dahil, gusto mo ito, natutuwa ka at naniniwala ka sa taglay na potensyal at kagalingan nito. Isa kang dakilang "fan" kumbaga.

Ang tugon natin sa salmo ngayon-- "Diyos ko, ang aking dalangi'y ako'y iyong tangkilikin." Naunawaan ba natin ang ating panalangin? --- Hinihiling natin na tayo'y tangkilikin. Na tayo'y suportahan, ipagmalaki, magustuhan. Na ikatuwa tayo. At, sino ang kausap natin? Walang iba kundi ang ating Diyos. Hinihingi natin ito sa ating Diyos sa langit, Amang Makapangyarihan. Diyos. Bigla akong napatigil. Siguro, nung niyaya ako nung barangay captain namin na tangkilikin ko ang programa nila, tinitingnan niya ako bilang isang hamak na estudyante. Isang tao lang sa napakalaking populasyong sinasakupan niya sa aming barangay. Pero, ngayon, ako-- kinakausap ang Diyos para tangkilikin ako. Meron bang pwedeng ikatuwa sa akin ang Diyos? Meron bang bagay sa aking buhay na pwede niyang tangkilikin? magustuhan? ipagmalaki?
Parang mas marami pa akong nagawang mali na mas madaling ikahiya kaysa ipagmalaki. Eh kung tulad ko sa barangay captain namin, ganun din ang isipin sa akin ng Diyos? "Magpakabuti ka muna, bago kita tatangkilikin."

PERO, hindi. Alam kong hindi ganoon ang ating Diyos. Hindi ganoon ang Diyos na sinasamba at pinupuri natin. Hindi Niya tayo tinitingnan sa ating mga nagawang masama (dahil kung ganun, malamang, wala na akong mukhang maihaharap). Nauuna ang kanyang pag-ibig sa atin. Proud Siya sa atin... wala pa man tayong ginagawa. Dahil alam Niyang mayroon tayong kayang gawing magaling at mabuti. Siya kaya ang gumawa sa atin at naniniwala Siya sa atin. Nauuna Niyang nakikita ang kabutihan at pag-ibig sa ating puso. "Iyang anak Ko, nagsisimba iyan tuwing linggo. Madalas akong kausapin, kahit maraming problema... sa Akin siya lumalapit... mahal na mahal niya ang kanyang magulang, ang kanyang mga anak... Siya naman, kahit minsan napapabisyo, masipag yan... malinis ang kanyang ginagawang trabaho... Ito namang anak kong ito, kahit na maraming kaaway, gagawin niya ang lahat maipagtanggol lang ang kanyang mga minamahal na anak... Itong magaling kong anak naman, kahit na minsan kinakabahan habang nagsasalita sa simbahan at nabubulol sa harapan, tuwang-tuwa ako sa kanya dahil sinusubukan niyang harapin ang takot para lamang maipahayag ang salita Ko."

At naniniwala akong hindi lang tayo ipinagmamalaki at tinatangkilik ng ating Diyos... Siya mismo ang nagbibigay sa atin ng landas ng buhay. Itinuturo niya sa atin ang tama at magaling na hantungan. Kahit na minsan, nahihirapan tayong sundin. Nahihirapan tayong gawin ang tama... na kadalasan, nahihiya na tayong lumapit sa Kanya dahil sa sunud-sunod nating pagkakamali... gagawa pa rin Siya ng paraan upang mapalapit sa atin. Gagawa pa rin ang ating Diyos ng paraang maging magaling tayo at karapat-dapat ipagmalaki. Gagawa pa rin ang Diyos ng paraan! Sabi nga rin sa Salmo, "Pagkat di tutulutan ng Diyos na ang mga mahal Niya ay malagak sa balon ng mga patay..."

Hinding-hindi Niya hahayaan iyon, dahil mahal Niya tayo. Hindi Niya hahayaan iyon dahil naniniwala Siya sa ating kakayahan. Number 1 fan kaya natin Siya. Kung ikaw ba, number 1 fan ng isang artista, hahayaan mo bang malaos yang idol mo? Malamang hindi, siyempre gagawa ka rin ng paraan para makatulong. Eh, paano kung ang Diyos ang number 1 fan mo? Paano mo pa kaya maiisip ang kabiguan? Nakakatuwa no? Astiiiig talaga ang Panginoon natin! Kaya't tayo'y magdiwang at magalak dahil ang Diyos ang ating kasama. Kasabay nito ang ating panalanging patuloy pa nating subuking ayusin ang ating sarili. Kasabay nito ang panalanging tulungan tayo ng Panginoon para lalo pa tayong karapat-dapat tangkilikin. Dahil hindi tayo matitinag kapag ang Diyos ang lahat sa ating buhay. :)


Yey! :)


November 18, 2012 (Ika-33 linggo sa karaniwang panahon)
B    –D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin!

*     Ikaw lamang, Panginoon, ang
lahat sa aking buhay, ako’y iyong
tinutugon sa lahat kong kailangan;
ang biyayang kaloob mo ay kahanga-
hangang tunay. Nababatid ko na ika’y
kasama ko oras-oras, sa piling mo
kailanma’y hindi ako matitinag.      B.
*     Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang
diwa ko’y nagagalak, ang lagi kong
nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal
mo ay malagak, sa balon ng mga
patay upang doon ay maagnas.     B.
*     Ituturo mo ang landas na buhay
ang hahantungan, sa piling mo’y
madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng
ligayang walang hanggan.    
B.

No comments:

Post a Comment