Unang Pagbasa
Noong mga araw na iyon, nang maawat na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa templo sa Silo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon, tatlumpu't anim na litrong harina at isang pitsel ng alak.Nang maihandog na ang baka, dinala niya kay Eli ang bata. Sinabi ni Ana, "Kung natatandaan ninyo, ako po yaong babaing tumayo sa tabi ninyo noon at nanalangin sa Panginoon. Idinalangin ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at ito po ang ibigay niya sa akin. Kaya naman po, inihahandog ko siya sa Panginoon upang maglingkod sa kanya habang buhay." Pagkatapos nito, nagpuri sila sa Panginoon.
Salmong Tugunan
Diyos kong tagapagligtas, Pinupuri kitang Wagas
Pinupuri ko kayo, Poon
Dahil sa kaloob ninyo sa akin
Pinagtatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway
Sapagkat iniligtas ninyo ako sa kadustaan
Nagapi ninyo ang mga makapangyarihan
at pinalakas ninyo amagbing mahihina
Kaya, ang dating mayayaman ay nagpapaupa para mabuhay
Masagana ngayon ang dating maralita
Ang dating baog nagsilang ng anak
at ang maraming supling ay sa lungkot nasadlak
Kayo, Poon, ay may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay
Maaari ninyo kaming patayin, maaari ring buhayin
Maaari ninyo kaming payamanin o paghirapin
maaari ring ibaba o itaas
Mapadadakila ninyo kahit ang pinakaaba
mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha
maihahanay ninyo sila sa maharlika
mabibigyan ng karangalan kahit na ang dustang-dusta.
Mabuting Balita
Noong panahong iyon, ipinahayag ni Maria ang awit na ito:
"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na tagapagligtas. Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin! At mula ngayon, ako'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Banal ang kanyang pangalan! Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali't saling lahi.Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig, pinangalat niya ang mga palalo ang isipan. Ibinagsak niya ang mga hari mula sa knailang trono at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at pinalayas niyang ni anuman ang mga mayayaman.Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang, kay Abraham at sa kanyang lahi magpakailanman!" Nanatili si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan, at saka umuwi.
No comments:
Post a Comment