Thursday, December 22, 2011

December 21, 2011 - 6th day of Misa de Gallo

Unang Pagbasa
Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig, mga gulod, tinatahak upang ako'y makaniig. Itong aking mangingibig ay katulad niyong usa, mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla. Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya, sumisilip sa bintana para ako ay makita. Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang tinuran: "Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal." Lumipas na ang taglamig sa buong lupain at ang tag-ulan ay natapos na rin. Bulaklak sa kaparangan tingna't namumukadkad na, ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya, sa bukid, ang mga ibo'y humuhuni, kumakanta. Yaong mga bungang igos ay hinog nang para-para, at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na. Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka. Ika'y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan, halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan, at nang akin ding marinig ang tinig mong ginintuan.

_______________
Salmo
Panginoo'y papurihan ng tapat niyang sambayanan

Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan
Tugtugin ang alpa't awit ay saliwan.
Isang bagong awit, awiting malakas
Kasaliw ang tugtog ng alpang marilag.

Ngunit ang mga panukala ng Diyos
ay mamamalagi't walang pagkatapos
Mapalad ang bansang Panginoo'y Diyos mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

Ang ating pag-asa'y nasa Panginoon
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya kami ay natutuwa
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala


______________
Mabuting Balita
Si Maria'y nagmamadaling pumunta sa isang bayan  kaburulan ng Judea. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet at buong galak niyang sinabi, "Bukod kang pinagpala sa babaing lahat at pinagpala naman ang iyong dinadalang anak! Sino ako upang dalawin ang ina ng aking Panginoon?
Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon.

No comments:

Post a Comment